--Ads--

Nagsampa ng blotter at sumailalim sa medical examination ang isang barangay kagawad ng Barangay Gumbauan, Echague, Isabela matapos umano itong suntukin ng asawa ng barangay secretary kasunod ng mainitang pagtatalo kaugnay sa paniningil umano ng pamasahe sa distribusyon ng rice seeds.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Jeorlie Morada, sinabi nito na nagsimula ang sigalot matapos kuwestiyunin ng ilang magsasaka ang umano’y sinisingil na P100 bawat sako bilang pamasahe sa isinagawang distribusyon ng mga binhi noong Mayo 11, 2026.

Ayon kay Morada, kabilang siya sa mga nagpahayag ng reklamo dahil marami umanong magsasaka ang hindi sang-ayon sa naturang singil.

Tinatayang nasa mahigit 300 magsasaka umano ang apektado ng usapin.

--Ads--

Aniya, habang pinag-uusapan sa loob ng barangay hall ang mga reklamo ng mga magsasaka ay nakialam umano ang asawa ng barangay secretary sa talakayan.

Dahil dito, inalalayan umano niya palabas ng sesyon ang naturang indibidwal upang maiwasan ang gulo.

Gayunman, paglabas nila ng barangay hall ay bigla umano siyang sinuntok ng asawa ng barangay secretary.

Kasunod ng insidente ay nagtungo si Morada sa himpilan ng pulisya upang magpa-blotter at nagpa-medical examination bilang paghahanda sa pagsasampa ng kaukulang reklamo.

Patuloy namang hinihintay ng Bombo Radyo Cauayan ang panig ng kabilang kampo kaugnay sa insidente.