CAUAYAN CITY- Pangungunahan ng Optemetric Association of the Philippines ang isasagawang libreng Optical Mission sa susunod na Linggo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Irene Maramag ang dating Pangulo ng Optemetric Association of the Philippines, sinabi niya na tuwing buwan ng Agosto ay ipinagdiriwang ang “Sight Saving Month”.
Inaanyayahan nila ang publiko na ugaliin ang magpakunsulta ng kanilang mga mata at bilang bahagi ng pagdiriwang ay isasagawa ang Optical Mission dito sa Cauayan City sa August 23.
Prayoridad dito ang mga nasa vulnerable sector at Senior Citizen.
Bilang isang Optalmologist ay ipinaliwanag niya ang mga factor kaugnay sa pagpapakunsulta sa mata subalit kung mangangailangan ng operasyon ay dapat na hintayin ang magiging resulta ng konsultasyon.
May mga pagkakataon din aniya na may mga nagpapakunsulta na hindi naman kailangan na magpasalamin.
Maliban sa Cauayan City ay may mga Optometrist din sila sa iba pang mga bayan gaya ng Cabataun at San Mateo, Isabela.
Ang gagawing Optical Mission ay isasagawa ng libre kung saan libre ang konsulta at mamamahagi rin ng libreng reading glasses.
Pinaalalahanan naman niya ang mga Barangay Officials para sa pagsasagawa ng kaparehong aktibidad kailangan na makipag ugnayan lamang sa kanilang asosasyon upang makaiwas sa mga “quack doctor” na posibelng manamantala.
Sa ngayon pag-aaralan din ang pakikipag-ugnayan ng asosasyon sa DepEd para naman sa mga serbisyong ipagkakaloob ng libre sa mga bata.





