--Ads--

Unang makakasagupa ng Pinay netter na si Alex Eala ang isang wild card entry sa Tokyo Open na aa­rangkada ngayong araw sa Tokyo, Japan.

Ilalabas ni Eala ang buong lakas nito sa pagharap kay Mika Stojsavljevic ng Great Britain sa first round ng naturang WTA 500 event.

Wala pang eksaktong oras ng laban nina Eala at Stojsavljevic base sa inila­bas na schedule ng mga organizers.

Hawak ng World No. 20 na si Eala ang No. 8 seed sa torneo.

--Ads--

Si Stojsavljevic ay kasalukuyang No. 308 sa WTA rankings.

Nasa 17-anyos lamang si Stojsavljevic na nasa kaniyang unang season sa WTA Tour.

Target ni Eala na matul­dukan ang sunud-sunod na kama­lasan nito sa Tour.

Galing si Eala sa kampanya sa Ningbo Open sa China kung saan nakaabot lamang ito sa second round.

Tinalo muna ni Eala si world No. 34 Diane Parry ng France sa first round, 6-3, 6-1, ngunit lumasap ito ng 5-7, 4-6 kabiguan sa kamay ni World No. 13 Diana Shnaider ng Russia sa second round.

Nauna nang natalo sa kaniyang unang pagsalang si Eala kay world No. 180 Tatiana Prozorova sa Singa­pore Open second round at kay No. 217 Shi Han sa Wuhan Open first round.

Sa Tokyo Open, masisilayan din si Eala sa doubles kasama si Grand Slam doubles champion Desirae Krawczyk na isang Filipino-American.

Si Krawczyk ay da­ting Philippine Columbian Association (PCA) Open champion noong 2010 sa Plaza Dilao, Manila.

Makakaharap nina Eala at Krawczyk sina Chan Hao-Ching ng Chinese-Taipei at Miyu Kato ng Ja­pan sa first round.