Napaiyak sa tuwa ang 2nd Major Prize Winner sa katatapos na Grand Draw ng Swerte sa Palengke 2025 na si Ginoong Ruben Lumelay dahil sa kaniyang pagkapanalo.
Kuwento ni Ginoong Lumelay, hindi niya inaasahan ang kaniyang tagumpay sa grand draw dahil sampung entry lamang ang kaniyang naihulog, na kaniyang nagawa sa kabila ng panginginig ng kaniyang kamay dulot ng karamdaman.
Aniya, apat na gabi niya itong pinuyatan at bawat pagselyo niya ng sobre na may kalakip na proof of purchase ay taimtim niyang ipinagdarasal na kahit papaano ay magbunga ang kaniyang pagsisikap.
Sa katunayan, kalalabas lamang sa pagamutan ni Tatay Ruben matapos ang halos labing-isang araw na pananatili doon dahil sa kaniyang sakit sa puso.
Dagdag pa niya, umabot sa ₱40,000 ang nalikom mula sa ambagan ng kaniyang mga kaanak, kaibigan, at ka-barangay upang maipambayad sa kaniyang hospital bill.
Plano ni Ginoong Lumelay na gamitin ang napanalunang premyo para sa kaniyang patuloy na pagpapagamot at sa maliit niyang sari-sari store.
Samantala, sinabi naman ni Ginoong Efren Manganaan, ang 3rd Major Prize Winner ng ₱10,000, na ito ang unang beses niyang manalo sa promo ng Bombo Radyo Philippines.
Aniya, avid listener siya ng himpilan kaya’t tuwing siya ay nagpapatakbo ng sasakyan, palagi siyang nakikinig sa radyo.
Sa katunayan, higit isang libo ang entries na kaniyang naihulog para makasali sa promo.
Hindi niya maipaliwanag ang kaniyang kasiyahan at plano niyang gamitin ang napanalunang premyo para sa kaniyang pagnenegosyo sa pag-aalaga ng hayop.
Tiniyak din niya na hindi ito ang una at huling beses na siya ay sasali dahil patuloy pa rin siyang lalahok sa mga susunod pang promo.







