--Ads--

Timbog ang isang lalaki matapos mahulian ng hinihinalang shabu at baril sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad sa Barangay Palattao, Naguilian, Isabela nitong alas-dose ng tanghali nitong Sabado, Mayo 9.

Itinago ang suspek sa alyas na “Popoy,” nasa wastong gulang at residente ng Ramon, Isabela.

Batay sa paunang pagsisiyasat, nagtatrabaho umano bilang taga-deliver ng tilapia ang suspek at ilang beses na rin umanong nagtungo sa bayan ng Naguilian upang kumuha ng hinihinalang ilegal na droga.

Ayon sa mga otoridad, inamin umano ng suspek na ang ilan sa mga nakukuhang hinihinalang droga ay para sa kanyang personal na paggamit.

--Ads--

Sa isinagawang operasyon, nakumpiska mula sa suspek ang ilang piraso ng hinihinalang drug paraphernalia, mga bala, at isang Caliber .38 na baril.

Inamin din umano ng suspek na pagmamay-ari niya ang naturang baril at ginagamit niya ito bilang proteksyon sa sarili.

Patuloy namang nagsasagawa ng mas malalim na imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy kung may iba pang personalidad na sangkot sa ilegal na aktibidad.