--Ads--

Nagbabala si US President Donald Trump na papatawan niya ng 100% tariff ang lahat ng produktong galing Canada kung itutuloy umano nito ang pakikipag-deal sa China.

Sa isang post sa Truth Social, sinabi ni Trump na agad na tatamaan ng mabigat na buwis ang mga produktong Canadian na papasok sa Estados Unidos sakaling makipagkasundo ang Canada sa China.

Hindi malinaw kung anong eksaktong kasunduan ang tinutukoy ng pangulo ng Amerika.

Noong nakaraang linggo, inanunsiyo ni Canadian Prime Minister Mark Carney ang isang “strategic partnership” sa China at ang pagbawas ng ilang taripa.

--Ads--

Sa una, sinabi pa ni Trump na magandang bagay ito pero biglang uminit ang tensiyon ng dalawang bansa makalipas ang ilang araw.

Ito’y matapos ang isang talumpati ni Carney sa Davos, Switzerland, kung saan sinabi niyang tila nagkakagulo na ang world order na pinamumunuan ng US at hinimok ang ibang bansa na magtulungan laban sa panggigipit ng mas makapangyarihang estado.

Bagama’t hindi niya pinangalanan si Trump, mabilis itong sinagot ng US president na nagsabing, Nabubuhay ang Canada dahil sa Estados Unidos.

Mas lalong tumindi ang usapin nang sabihin ni Trump na hindi niya papayagang gawing “drop-off port” ng China ang Canada para makapasok ang mga produkto nito sa US.

Samantala, itinanggi ng Canada na may isinusulong itong free trade deal sa China.

Ayon kay Canadian Trade Minister Dominic LeBlanc, ang napagkasunduan lamang ay ang pag-ayos ng ilang isyu sa taripa at ang pagpapalakas ng kalakalan ng Canada sa iba’t ibang bansa.

Sa kabila ng banta ni Trump, sinabi ni Carney na ang ugnayan ng Canada at China ay mahalaga upang makasabay ang bansa sa “bagong kaayusan ng mundo.”