Umakyat na sa 40 ang bilang ng mga nasawi sa paglubog ng MV Trisha Kerstin sa karagatang sakop ng Basilan matapos makarekober ang mga awtoridad ng tatlo pang bangkay ng mga pasaherong sakay ng barko.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), dalawang bangkay ang narekober ng lokal na pamahalaan ng Hadji Muhtamad, partikular sa Baluk-Baluk Island, habang ang isa pa ay namataan sa Lantawan Island.
Agad na dinala sa Zamboanga City ang mga labi para sa pagkakakilanlan at wastong disposisyon, ayon sa PCG.
Samantala, tiniyak ng Maritime Industry Authority (MARINA) na magsasagawa ito ng masusing imbestigasyon at review sa mga pahayag ng mga survivor. Kabilang sa iniimbestigahan ang mga alegasyon ng kakulangan sa life vests, hindi pagkakatugma sa passenger manifest, at ulat na ang MV Trisha Kerstin ay isang replacement vessel.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa insidente.








