Magsasagawa ng masinsinang imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) tungkol sa insidente ng pagtatapon ng Ahjay Paws Aftercare Crematorium ng 29 na patay na aso at pusa sa Bulacan.
Sa statement ni NBI Director Melvin Matibag, binigyang direktiba niya na ang ilang NBI division sa pangunguna ng Environmental Crimes Division at ng lahat ng regional offices sa CALABARZON at Central Luzon para siyasatin ang insidente.
Sesentro ang imbestigasyon sa posibleng pagsasampa ng kasong estafa sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code matapos na magbayad ng cremation services ang mga pet owners na hindi naman tinupad ng pet crematorium.
Sisilipin din ng NBI ang business permits, equipment, CCTV footage at proseso ng ipagkatiwala sa pasilidad ang mga yumaong alagang hayop.
Magsasagawa rin ng inspeksyon ang NBI sa mga kaparehong cremation services sa pakikipagtulungan sa Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Philippine National Police (PNP) at local government units kasunod na rin ng naging rekomendasyon ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS).











