--Ads--

Idineklara ng House Committee on Justice nitong Lunes na “sufficient in form” ang dalawang impeachment complaint na inihain laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang mga reklamo ay isinampa ni Atty. Andre de Jesus at ng mga lider ng progresibong grupo kasama ang ilang mambabatas mula sa Makabayan bloc.

Ayon sa komite, tatalakayin sa hiwalay na pagdinig sa Martes kung sapat naman sa nilalaman o substance ang mga reklamo.

Inakusahan ni De Jesus si Pangulong Marcos ng graft and corruption, culpable violation of the Constitution, at betrayal of public trust. Samantala, iginiit ng Makabayan bloc na nilabag ng Pangulo ang tiwala ng publiko sa pamamagitan ng paglalaman umano ng pambansang badyet ng mga proyektong maglilihis ng pondo pabor sa mga kaalyado.

--Ads--

Ayon kay Batangas Second District Rep. Gerville Luistro, chairperson ng komite, hindi makaaapekto sa impeachment proceedings laban kay Marcos ang resolusyon ng Korte Suprema kaugnay ng impeachment case ni Vice President Sara Duterte. Paliwanag niya, tumutukoy ang nasabing resolusyon sa ikalawang paraan ng impeachment, kung saan kinakailangan ang direktang aksyon ng hindi bababa sa isang-katlong miyembro ng Kamara.

Dagdag pa ni Luistro, ang mga reklamo laban kay Marcos ay isinampa ng mga pribadong indibidwal at inendorso ng mga miyembro ng Kamara, kaya hiwalay ito sa naturang mekanismo.

Nauna namang sinabi ni Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon, isa ring miyembro ng House panel, na may ilang bahagi ng impeachment complaints laban kay Marcos na hindi umano tumutugon sa mga konstitusyunal na batayan para sa impeachment.