Nauwi sa karahasan at panloloob sa ilang tindahan ang mga kilos-protesta ng kabataan sa Germany matapos magtipon ang libo-libong demonstrador sa 34 na lungsod upang igiit ang mas maayos na edukasyon, mas mababang gastusin sa pamumuhay at pagtutol sa mandatoryong serbisyo militar.
Pinangunahan ng grupong “Gen Z regelt” ang mga protesta sa malalaking lungsod kabilang ang Berlin, Frankfurt at Munich nitong Sabado. Layunin din ng kilusan na hikayatin ang pamahalaan na dagdagan ang pondo para sa edukasyon at mga serbisyong pangkalusugan.
Sa Frankfurt, hindi bababa sa dalawang tindahan ang nilooban habang ilang establisyimento pa ang napinsala matapos mauwi sa kaguluhan ang demonstrasyon. Ayon sa pulisya, binasag din ang mga salamin ng ilang tindahan at binato ng Molotov cocktail ang mga emergency responder.
Nagkaroon din ng sunog sa ilang barikada sa Hamburg, habang maagang nagsara at naglagay ng proteksiyon sa kanilang mga bintana ang ilang negosyo dahil sa pangambang lumala ang kaguluhan.
Ayon sa mga organizer, kabilang sa mga pangunahing hinaing ng kabataan ang tumataas na gastusin, kakulangan sa suporta para sa edukasyon at planong ipatupad ang compulsory military service.
Samantala, nagbabala ang mga awtoridad na maaaring samantalahin ng mga extremist group ang mga protesta upang maghasik ng kaguluhan. Bagama’t naging mapayapa ang karamihan sa mga demonstrasyon, patuloy na tinutugunan ng mga pulis ang mga insidente ng karahasan sa ilang lugar.











