--Ads--

Natukoy na ng mga awtoridad ang mga labi ng 22 aso at tatlong pusa na natagpuang nakasilid sa mga plastic bag at itinapon sa isang bakanteng lote sa Barangay Minuyan Proper, San Jose del Monte City, Bulacan.

Natuklasan ng mga residente ang mga labi noong Miyerkules ng umaga matapos makaamoy ng masangsang na amoy sa lugar. Nakalagay sa bawat plastic bag ang pangalan at timbang ng mga alagang hayop.

Ilan sa mga fur parents ang personal nang kumuha sa labi ng kanilang mga alagang hayop, habang nabahala naman ang ilang kliyente ng pet crematorium na posibleng hindi maayos na na-cremate ang kanilang mga namatay na alaga.

Ayon sa ulat, hindi umano nakapagbigay ng video o iba pang patunay ng cremation ang naturang pasilidad sa isa nitong kliyente dahil sa usapin umano ng privacy.

--Ads--

Patuloy nang iniimbestigahan ng San Jose del Monte Police ang insidente at tinutukoy ang sasakyang ginamit sa pagtatapon ng mga labi. Posible ring maharap sa kasong estafa ang may-ari ng pet crematorium.

Samantala, iniutos na ng lokal na pamahalaan ng Bacoor, Cavite, kung saan matatagpuan ang naturang pet crematorium, ang pagsasara nito noong Oktubre 31 habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.