--Ads--

Ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang reklamong cyberlibel na inihain ni Senador Risa Hontiveros laban sa isang abogado at limang social media personalities, kaugnay ng mga alegasyong umano’y nag-impluwensya siya sa isang testigo na magsalita laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at iba pa.

Ayon sa ika-26 pahina ng resolusyon, sinabi ng panel ng mga prosecutor na walang sapat na ebidensya upang isulong ang kaso laban kina abogado Ferdinand Topacio at social media personalities na sina Bryon Cristobal o Banat By, Jeffrey “Ka Eric” Celiz, Krizette “Kiffy” Chu, Jose “Jay” Sonza, at Alex Destor o Tio Moreno.

Batay sa resolusyon, kinilala ng mga prosecutor ang doktrina ng Korte Suprema na bagama’t maaaring makasakit ang mga pahayag laban kay Hontiveros-Baraquel, hindi lahat ng nakakasakit na pahayag ay maituturing na actionable o maaaring sampahan ng kaso.

Binigyang-diin din ng resolusyon na walang lugar ang pagiging labis na sensitibo sa pampublikong diskurso, lalo na kung maaari itong magdulot ng “chilling effect” sa karapatan ng publiko na magpahayag ng saloobin at puna laban sa mga opisyal ng gobyerno.

--Ads--

Dagdag pa ng DOJ, nabigo ang nagrereklamo na patunayan ang elementong actual malice. Ayon sa panel, hindi napatunayang ginawa ang mga umano’y mapanirang pahayag nang may kaalaman na ang mga ito ay mali, o may tahasang pagpapabaya sa pag-alam kung ang mga ito ay totoo o hindi.

Samantala, sinabi ni Ferdinand Topacio na ang naging desisyon ay nagpapatibay umano sa karapatan ng mamamayan na punahin ang mga opisyal ng gobyerno sa mga isyung may kinalaman sa pampublikong interes.

Nag-ugat ang reklamo sa mga pahayag ni Michael Maurillo noong 2025, kung saan inakusahan niya si Hontiveros ng umano’y pamimilit sa kanya upang tumestigo laban kina dating Pangulong Duterte, Pangalawang Pangulong Sara Duterte, at nakakulong na si Apollo Quiboloy. Kalaunan, sinabi ni Maurillo na ang kanyang mga naging pahayag sa pagdinig ng Senado ay gawa-gawa lamang.

Nauna nang nagpatotoo si Maurillo sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality na siya ay sinaktan at inabuso umano ng mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC), at iginiit na nakita niya ang ilang personalidad na may dalang armas habang bumibisita kay Quiboloy.

Ayon kay Hontiveros, pinalala ng mga respondent ang mga alegasyon sa pamamagitan ng pagpapakalat ng video ni Maurillo. Naghain din ang senador ng hiwalay na reklamong cyberlibel laban kay Maurillo sa DOJ.

Mariing itinanggi ni Hontiveros ang mga paratang at iginiit na lumapit sa kanya si Maurillo bago pa man ilabas ang video upang humingi umano ng tulong, matapos nitong sabihing siya ay kinidnap at ikinulong sa Glory Mountain sa Davao City.