--Ads--

Iginiit ng Akbayan Party-list na hindi pagpapakita ng tapang kundi senyales ng takot ang paglalabas ng video message ni Vice President Sara Duterte bilang tugon sa panibagong impeachment complaint na inendorso ng grupo laban sa kanya.

Ayon kay Akbayan President Rafaela David, malinaw na natataranta na umano ang bise presidente matapos nitong tahasang atakehin ang Akbayan at si Senadora Risa Hontiveros sa halip na sagutin ang mga alegasyong ibinabato laban sa kanya.

Kinuwestiyon ni David ang pahayag ni Duterte na ‘harassment’ umano ang impeachment complaint, gayong paulit-ulit naman nitong iginiit na wala umanong basehan ang reklamo.

Punto ni David, kung tunay na walang sapat na ebidensiya ang impeachment complaint, hindi na sana kailangan pang maglabas ng video na aniya’y puno ng personal na pag-atake.

--Ads--

Dagdag pa niya, hindi maituturing na katapangan ang pag-iwas sa mga tanong kaugnay ng umano’y pagwaldas ng pera ng bayan, lalo na sa usapin ng confidential funds ng Office of the Vice President.

Ayon sa Akbayan, simple lamang ang hinihingi sa pangalawang pangulo—ang malinaw na paliwanag kung sino si “Mary Grace Piattos” at kung saan napunta ang tinatayang ₱612.5 milyon na confidential funds.

Sinabi rin ni David na nararapat lamang na mangamba si Duterte dahil lalo umanong nagiging malinaw ang posibilidad ng impeachment, lalo na matapos ipahayag ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang kahandaan ng Senado na gampanan ang tungkuling konstitusyonal sakaling makarating sa kanila ang Articles of Impeachment.

Binigyang-diin pa ng Akbayan na dapat nang paghandaan ni Vice President Duterte ang posibilidad na maging kauna-unahang bise presidente sa kasaysayan ng bansa na ma-impeach hindi lamang isang beses kundi dalawang beses.