Iginiit ng citizens’ monitoring network na Bantay Senado na malalakas ang mga ebidensyang inilatag ng House prosecution panel laban kay Vice President Sara Duterte sa impeachment trial nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Dino De Leon, public interest at human rights lawyer ng Bantay Senado, kabilang sa pinakamalalakas na ebidensya ang mga pahayag na maituturing umanong confession at declaration against interest, partikular sa Article IV ng impeachment case na tumatalakay sa grave threats.
Matatandaang ipinrisinta ng prosekusyon ang video kung saan sinabi ni VP Sara na mayroon siyang kinontratang assassin na papatay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at noo’y House Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay.
Inaasahan din ni De Leon ang paliwanag ng defense team hinggil sa paggamit sa ₱625 milyong confidential funds ng Office of the Vice President, kabilang ang umano’y pag-withdraw ng ₱200 milyon sa loob ng isang araw at pagbibigay nito kay dating Colonel Zuleika Lopez.
Sa liquidation documents, sinabi niyang sa 1,600 voucher na sinuri, 1,300 umano ang may mga pangalang hindi natagpuan sa Philippine Statistics Authority. Batay naman sa pagsusuri ng National Bureau of Investigation, pito lamang umano ang lumagda sa mga dokumento.
Nais din niyang maipaliwanag ni VP Sara ang umano’y ₱4.4 bilyong pagpasok at paglabas ng pera sa kaniyang mga bank account, ₱300 milyong natanggap umano ng kumpanyang pag-aari ng kanilang pamilya na iniuugnay sa pondong nagmula sa China, at mahigit ₱800 milyong halaga ng mga ari-ariang hindi umano naideklara sa SALN.
Ayon kay De Leon, nakabatay umano sa mga pampublikong dokumento, mga dokumentong isinumite mismo ng Bise Presidente at mga bank record ang mga ebidensya.
Iginiit niyang kailangang sagutin ni VP Sara ang mga alegasyon, kabilang ang umano’y pagtanggap ng pondong mula sa China, kuwestiyonableng yaman at mga hindi naideklarang ari-arian.
Kaugnay nito, nanawagan si De Leon kay VP Sara na magbitiw na sa puwesto, ngunit iginiit niyang kahit mag-resign ang Bise Presidente ay patuloy pa rin siyang pananagutin ng taumbayan.











