Hinamon ng Malacañang si Vice President Sara Duterte na linawin kung saan nagamit ang mahigit ₱70 milyong confidential funds na ipinababalik ng Commission on Audit (COA) matapos pagtibayin ang nauna nitong desisyon.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nararapat na sagutin ng Bise Presidente ang mga katanungan tungkol sa paggamit ng pondo sa halip na umiwas sa isyu.
Binigyang-diin ni Castro na kailangang ipaliwanag ni Duterte kung paano niliquidate ang naturang pondo, lalo’t iniutos ng COA na isauli ang halaga.
Kinilala naman ng opisyal ang karapatan ng Bise Presidente na kuwestiyunin ang desisyon sa Supreme Court sa pamamagitan ng petition for certiorari.
Gayunman, iginiit ni Castro na nananatiling walang malinaw na paliwanag mula kay Duterte sa publiko kung saan napunta ang nasabing confidential funds.











