Isang malagim na aksidente ang kumitil sa buhay ng isang lalaki habang ang isa pa ay naputulan ng kanang binti matapos ang sinasakyang motorsiklo ay sumalpok sa isang poste sa Brgy. Bantug, Angadanan, Isabela bandang alas-7:30 ng gabi nitong February 7, 2026.
Kinilala ang nasawi na si Dexter Coloma, 23-anyos, graduating student at residente ng nasabing barangay. Sugatan naman at naputulan ng kanang binti si William Butac, 22-anyos, graduating student at residente rin ng lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Brgy. Treasurer Samuel Villanueva, patungo sana siya sa bayan nang marinig niya ang malakas na kalabog mula sa may kalsada. Noong una ay hindi pa niya ito pinansin, ngunit napansin niyang padami nang padami ang mga taong humihinto sa lugar kaya nagpasya na rin siyang lumapit upang alamin ang nangyari.
Pagdating niya sa pinangyarihan ng aksidente, tumambad umano sa kaniya ang dalawang lalaking nakahandusay sa kalsada. Ang isa ay wala nang buhay habang ang isa naman ay naputulan ng binti.
Nakakausap pa umano niya si Butac kahit malubha na ang kalagayan nito.
Napag-alaman umano ni Villanueva na bago ang aksidente ay nag-iinuman ang dalawang biktima kasama ang ilang kakilala. Kalaunan ay nagpasya umano silang bumili ng karagdagang pulutan sa sentro ng Angadanan at pauwi na sana nang maganap ang trahedya.
Batay sa paunang impormasyon, dahil umano sa bilis ng takbo at sa palikong bahagi ng kalsada ay sumalpok ang kanilang motorsiklo sa poste ng solar light. Tumilapon sa kabilang bahagi si Dexter at tumama ang ulo nito sa mismong poste, na naging sanhi ng kaniyang agarang pagkamatay.
Samantala, ayon sa pinsan ni Dexter na si Lorenzo Coloma, nasa bahay lamang sila nang tawagan sila ng kapitan ng kanilang barangay upang ipaalam ang nangyaring aksidente. Agad umano silang nagtungo sa lugar at doon nila natagpuan ang wala nang buhay na si Dexter.
Ibinahagi pa ni Lorenzo na halos hindi umano matanggap ng ama ni Dexter ang sinapit ng kaniyang anak. Aniya, kalilibing pa lamang ng ina ng ama ni Dexter noong mismong araw na iyon kaya doble ang sakit na kanilang dinaranas.
Dagdag pa niya, nag-iisang anak si Dexter at matagal nang pumanaw ang kaniyang ina, kaya labis ang lungkot at paghihinagpis ng kaniyang ama sa sinapit ng binata. Sa kabila ng matinding dalamhati, sinabi ni Lorenzo na wala na umano silang magagawa kundi tanggapin ang nangyari sa kaniyang pinsan.











