--Ads--

Nasawi ang isang 32-anyos na motorcycle rider matapos salpukin ng isang dropside truck ang minamaneho nitong motorsiklo dakong alas-5 ng hapon nitong Nobyembre 23 sa San Manuel, Isabela.

Ang biktima ay isang construction worker at residente ng Barangay San Ramon, Aurora, Isabela. Samantala, ang dropside truck naman ay minamaneho ng isang 48-anyos na negosyante na residente ng Luna, Roxas, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula sa San Manuel Police Station, binabagtas ng truck ang northbound lane patungong Roxas, Isabela nang makarating ito sa isang intersection.

Dito umano ay biglang pumasok sa national highway mula sa isang barangay road ang motorsiklong minamaneho ng biktima.

--Ads--

Dahil sa biglaang pangyayari, hindi na umano nagawang umiwas ng driver ng truck dahilan upang salpukin nito ang motorsiklo.

Nagtamo ng malubhang physical injury ang rider at agad na isinugod sa pagamutan ng mga rumespondeng rescuer. Gayunman, idineklarang dead on arrival ng attending physician ang biktima.

Hindi naman nasaktan ang driver ng truck, subalit kapwa nagtamo ng pinsala ang dalawang sangkot na sasakyan.

Ayon sa pulisya, hindi na magsasampa ng kaso ang pamilya ng nasawi matapos umanong magkasundo ang magkabilang panig.