Nagpahayag ng pagkadismaya si Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Jay Tarriela laban kay Sen. Alan Peter Cayetano nitong Lunes, kasabay ng patuloy na pag-init ng usapin sa West Philippine Sea.
Ayon kay Tarriela, imbes na ang China ang batikusin dahil sa paulit-ulit na pangha-harass sa mga mangingisdang Pilipino at sa PCG, siya pa umano ang pinupuna ni Cayetano.
Ipinakita ni Cayetano sa sesyon ng Senado ang caricature na ginamit ni Tarriela sa isang lecture, kung saan nakalarawan si Chinese President Xi Jinping.
Ngunit giit ni Tarriela, mas dapat tanungin kung kailan huling tumindig si Cayetano laban sa agresibong aksyon ng China. Binatikos din niya ang dating kalihim ng Department of Foreign Affairs dahil umano sa kakulangan ng matibay na posisyon noong panahon ng administrasyong Duterte.
Tinuligsa rin ni Tarriela ang panukala ni Rep. Rodante Marcoleta na makipagdebate tungkol sa Kalayaan Island Group, na una nitong sinabi na hindi sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Ayon kay Tarriela, hindi dapat pagtalunan ang usapin ng teritoryo dahil malinaw na bahagi ito ng soberanya ng bansa.











