--Ads--

Umalma si House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila de Lima sa pahayag ng tagapagsalita ng Embassy of China in Manila na si Ji Lingpeng, na nag-akusa sa kanya ng panlilinlang sa publiko.

Iginiit ni De Lima na tila nasosobrahan ang paggamit ng kalayaan sa pagpapahayag ng tagapagsalita ng embahada, gayong hindi umano ito ganap na naipatutupad sa kanilang sariling bansa. Aniya, bilang diplomatiko, may immunity si Ji laban sa kasong libel, hindi tulad ng karaniwang Pilipino.

Binatikos din ng mambabatas ang umano’y agresibong pahayag ng embahada laban sa mga opisyal ng Pilipinas na nagsasalita para sa soberanya ng bansa, at sinabing may hangganan ang diplomatic immunity.

Nauna nang inakusahan ni Ji si De Lima ng pagpapakalat ng maling impormasyon matapos nitong kondenahin ang pag-atake ng embahada sa Senado at sa mga opisyal na nagtatanggol sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Tinawag din ng embahada na political stunt ang isang resolusyon ng Senado.

--Ads--

Iginiit ni De Lima na ang Pilipinas ay isang malayang bansa at hindi saklaw ng anumang dayuhang kapangyarihan.