--Ads--

Kinuwestiyon ni Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila de Lima ang umiiral na sistema ng pagbubuwis sa Pilipinas, na aniya ay mas nagpapasan sa mga income earner at sa halip ay hindi sapat na natatarget ang mga ultra-rich o bilyonaryo sa bansa.

Dahil dito, muling hinikayat ni de Lima ang liderato ng Kongreso na unahin ang panukalang layong patawan ng buwis ang mga bilyonaryo upang makamit ang mas patas na sistema ng pagbubuwis.

Sa ilalim ng House Bill (HB) 9274 o “Ultra-Wealth Tax Act,” iminungkahi ang 1% buwis sa bawat isang bilyong pisong kita ng bilyonaryo kada taon, 2% sa bawat P2 bilyon, at 3% sa bawat P3 bilyon.

Ayon sa mambabatas, ang kasalukuyang sistema ay may malaking epekto sa mahihirap at middle class dahil sa mataas na consumption taxes, habang ang mga mayayaman umano ay hindi sapat na nabubuwisan.

--Ads--

Binanggit din niya ang ulat ng World Bank noong 2022 na nagsasabing kabilang ang Pilipinas sa mga bansang may mataas na hindi pantay na sistema ng pagbubuwis, kung saan mas nabibigatan ang mahihirap at working class.

Giit pa ni de Lima, hindi gaanong mararamdaman ng mga ultra-rich ang dagdag na buwis dahil patuloy pa ring lumalaki ang kanilang yaman batay sa mga ulat ng Forbes Philippines.

Ayon sa kanya, ang magiging kita mula sa panukalang buwis ay ilalaan sa serbisyong pangkalusugan, edukasyon, pabahay, kabuhayan, at suporta sa mga lokal na pamahalaan.

Dagdag pa ng mambabatas, mahalaga ring mabigyang-pansin ang middle class na patuloy na nagbabayad ng buwis ngunit kadalasang hindi nakatatanggap ng sapat na tulong sa panahon ng krisis.