Bahagyang tumaas ang singil sa kuryente ng Isabela Electric Cooperative (ISELCO) 1 ngayong Pebrero kumpara sa nakaraang buwan.
Batay sa bagong power rate na inilabas ng kooperatiba, umaabot sa ₱9.48 kada kilowatt per hour ang singil sa residential consumer na mas mataas kumpara sa ₱8.77 kada kilowatt per hour na singil noong Enero.
Sa low voltage consumer, tumaas din ang singil mula ₱7.92 kada kilowatt per hour noong Enero patungong ₱8.60 kada kilowatt per hour ngayong Pebrero. Gayundin sa high voltage consumer, umakyat ang rate mula ₱6.08 kada kilowatt per hour noong Enero sa ₱6.55 kada kilowatt per hour ngayong Pebrero.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Branch Supervisor Laarni San Antonio ng ISELCO 1, sinabi niya na bagama’t hindi kalakihan ang itinaas ng singil, ramdam pa rin ito ng maraming residential consumer, lalo na ang mga pamilyang may limitadong kita.
Aniya, kadalasan ay napipilitan munang unahin ng mga konsyumer ang pagkain, matrikula ng mga anak, at iba pang pangunahing gastusin sa bahay kaya naaantala ang pagbabayad sa kuryente. May ilan din umanong naapektuhan ng hindi regular na hanapbuhay o mababang kita, kaya’t hirap makasabay sa buwanang bayarin.
Dagdag niya, patuloy nilang hinihikayat ang mga konsyumer na magtipid sa paggamit ng kuryente at makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan kung nahihirapang makabayad, upang mabigyan ng kaukulang payo o solusyon sa kanilang obligasyon.











