--Ads--

Nanindigan ang Bantay Senado sa panawagang conviction laban kay Vice President Sara Duterte sa sandaling magpatuloy ang impeachment trial nito, kasabay ng kanilang paghihintay sa paliwanag ng bise presidente hinggil sa mga alegasyong ibinabato sa kanya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Dino De Leon, Bantay Senado at public interest and human rights lawyer, sinabi nitong nais nilang marinig ang depensa ng legal team ni Duterte at maipaliwanag nito ang mga transaksyon at iba pang usaping nakapaloob sa mga alegasyon.

Ayon kay Atty.  De Leon, kabilang sa mga itinuturing nilang mahahalagang ebidensiya ang mga government records, bank records, Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN na isinumite mismo ng bise presidente, at mga rekord mula sa Anti-Money Laundering Council o AMLC.

Giit ni De Leon, kung mapabubulaanan ng depensa ang mga naturang ebidensiya, maaari nilang muling isaalang-alang ang kanilang panawagan. Gayunman, sa ngayon ay conviction ang kanilang isinusulong batay sa kanilang pagsusuri sa mga dokumentong tinukoy nila.

--Ads--

Inaasahan din ni Atty.  De Leon na hindi na magtatagal ang proseso upang marinig na ang panig ng depensa, partikular sa mga transaksyong nagkakahalaga umano ng P4.4 bilyon at sa sinasabing P340 bilyong hindi maipaliwanag na yaman.

Samantala, inihayag din ni De Leon ang kanyang pangamba sa posibleng paghadlang ng ilang senador-hukom sa pagtalakay sa mga ebidensiya. Gayunman, naniniwala siyang mahalagang masuri ang mga dokumento, kabilang ang mga bank records, sa kabila ng mga pagkakaiba ng pananaw ng mga senador.

Binigyang-diin din niya na hindi dapat nakabatay sa pagiging bahagi ng minority o majority, o sa pagkiling sa mga grupong pampolitika gaya ng mga tagasuporta ng administrasyong Marcos, Duterte o oposisyon, ang panawagan para sa pananagutan.

Ayon kay Atty. De Leon, dapat managot at makulong ang sinumang mapatutunayang nagkasala, anuman ang kanilang pangalan, posisyon o kaakibat na grupong pampolitika.

Dagdag pa niya, patuloy rin nilang binabantayan ang mga kasong kinasasangkutan nina Senator Bong Go, Senator Robin Padilla at Senator Bato dela Rosa, bilang bahagi ng kanilang pagsusulong ng pananagutan sa mga opisyal ng pamahalaan.

Gayunman, ang mga alegasyon laban sa mga nabanggit na personalidad ay nararapat na dumaan sa kaukulang proseso at mapatunayan batay sa ebidensiya at umiiral na batas.