--Ads--

Umarangkada sa second round ng 2026 Toray Pan Pacific Open ang Filipina tennis star na si Alex Eala matapos dominahin ang British wildcard na si Mika Stojsavljevic sa iskor na 6-1, 6-2 sa kanilang paghaharap nitong Lunes sa Ariake Coliseum sa Tokyo, Japan.

Bilang ikawalong seed sa torneo, ipinamalas ni Eala ang mahusay na laro matapos makuha ang panalo sa loob lamang ng isang oras at 15 minuto, kung saan tatlong games lamang ang naipagkaloob niya sa kaniyang 17-anyos na katunggali.

Agad na nakontrol ng Filipina ang unang set matapos makuha ang unang limang games bago nakapuntos si Stojsavljevic. Gayunman, hindi na nagpatinag si Eala at tuluyang nakuha ang unang set, 6-1.

Sa ikalawang set, muling nagpakita ng agresibong laro si Eala at nakalamang agad ng 2-0. Naipakita rin niya ang kaniyang tibay sa court matapos maisalba ang tatlong break points upang mapanatili ang kalamangan.

--Ads--

Nagpalitan pa ng panalo sa kani-kanilang service games ang dalawa bago muling nakalamang si Eala sa pamamagitan ng double break at tuluyang isinara ang laban sa iskor na 6-2.

Ayon kay Eala, naging hamon ang mahusay na serve ng kaniyang katunggali, ngunit ikinatuwa niyang naipatupad niya ang agresibong estratehiya upang makuha ang panalo.

Sa susunod na round, makakaharap ni Eala ang Australian tennis player na si Talia Gibson, na ika-38 sa world rankings, matapos nitong talunin si Daria Kasatkina sa unang round.

Samantala, hindi na makalalahok si Eala sa doubles event matapos umatras ang kaniyang American partner na si Desirae Krawczyk dahil sa problema sa likod.