Nasawi ang isang lalaki matapos bumangga ang minamaneho nitong single motorcycle sa nakaparadang truck na may kargang tubo sa Nungnungan II Cauayan City, malapit sa bypass road bandang 9:28 kagabi, Pebrero 18.
Tumanggi mang magpa-tape interview ang driver ng truck, isinalaysay naman nito ang mga pangyayari.
Ayon kay “Dado,” hindi niya tunay na pangalan, driver ng truck, sinabi niyang papunta sana siya sa city proper nang mapansin niyang tila may tagas ang kaniyang sasakyan.
Dahil dito, ipinarada niya ang truck sa gilid ng kalsada malapit sa bypass road upang suriin ang problema.
Aniya, pagbaba niya ng truck ay agad siyang pumunta sa silong nito upang tingnan ang sinasabing tagas. Gayunman, nagulat na lamang siya nang makarinig ng malakas na kalabog.
Paglingon niya, tumambad sa kaniya ang wasak na motorsiklo na nakabangga sa likurang bahagi ng kaniyang truck, habang nakahandusay at nangingisay ang driver nito sa kalsada.
Agad umano siyang tumawag ng rescue team upang matulungan ang biktima. Gayunpaman, sa kabila ng mabilis na pagresponde, idineklarang nasawi ang driver.
Samantala, inamin ng ama ng biktima na nakainom umano ang kaniyang anak bago pa man ito nagmaneho ng motorsiklo.
Sa ngayon, dinala na ang biktima sa punerarya ng bayan ng Angadanan, Isabela, dahil doon din nakatira ito.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy ang buong detalye ng aksidente.











