Inaresto ang isang 23-anyos na dalaga matapos maaktuhang nagnakaw ng mga skin care products sa loob ng isang malaking Mall sa Lungsod ng Cauayan.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, naganap ang insidente dakong 3:50 ng hapon nitong unang araw ng Marso.
Ang suspek ay itinago sa alyas na “Nancy,” estudyante, at residente ng San Fermin, Cauayan City.
Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng Pulisya, pumasok umano ang suspek sa mall at nagpanggap na isang customer. Habang naglilibot at tumitingin-tingin sa mga produkto, napansin umano ng isang staff na isinilid ng suspek ang ilang skin care items sa dala nitong shoulder bag.
Matapos ang ilang sandali ay tinangka na nitong lumabas ng store nang hindi dumadaan sa cashier para magbayad.
Dahil dito ay agad siyang hinabol ng naturang staff hanggang sa umabot sila sa harap ng isang Ramen House na tinatayang 30 meters ang layo mula sa naturang store.
Hinanapan umano ito ng resibo subalit bigo itong magpakita ng anumang patunay ng pagbili ng anumang produkto dahilan upang siya’y dalhin sa Public Relations Office ng Mall para sa kaukulang dokumentasyon bago tuluyang ipinasakamay sa kustodiya ng Pulisya.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong theft sa ilalim ng revised penal code at patuloy naman ang imbestigasyon ng awtoridad kaugnay sa insidente.











