--Ads--

Nahuli sa aktong gumagamit ng dried marijuana leaves ang dalawang menor de edad sa Banchetto Center, katabi ng Sports Complex sa Barangay Tagaran, Cauayan City, kagabi ng Biyernes, Oktubre 16, bandang 6:30 ng gabi.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, isang informant ang mabilis na dumulog sa kanilang himpilan upang isumbong ang nagaganap na paggamit ng ilegal na droga sa naturang lugar. Agad na nagkasa ng operasyon ang mga awtoridad dahilan upang mahuli sa mismong akto ang dalawang kabataan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa dalawang menor de edad, isinalaysay nilang nakatambay lamang sila sa Sports Complex habang naghihintay ng oras para sa gaganaping concert sa Cauayan City Hall Grounds.

Dagdag pa nila, may isang hindi kilalang indibidwal umano ang nagbigay sa kanila ng isang bakanteng pakete ng sigarilyo na naglalaman ng dried marijuana leaves. Inamin ng mga kabataan na first time lamang nilang gumamit ng ilegal na droga at nagawa lamang ito dahil sa curiosity at kagustuhang ma-hype bago pumunta sa concert

--Ads--

Sa kasalukuyan, nananatili sa pangangalaga ng pulisya at ng mga kinauukulang ahensya ang dalawang menor de edad habang patuloy pa ang isinaragawang imbestigasyon ukol sa pinagmulan ng naturang ilegal na droga.