--Ads--

Isinagawa ang isang fire drill sa isang malaking mall sa lungsod ng Cauayan bilang bahagi ng pagdiriwang ng Fire Prevention Month upang masiguro ang kahandaan ng pamunuan at mga empleyado sa oras ng emerhensiya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Mall Manager Anna Lorlina Villahermosa, sinabi niya na ito na ang ikalimang taon ng kanilang pakikipagtulungan sa Bureau of Fire Protection sa Cauayan bilang paghahanda sa anumang uri ng sakuna.

Mahalaga aniya ang regular na pagsasagawa ng ganitong aktibidad, lalo na’t isa silang malaking establisimyento na may iba’t ibang tindahan at maraming kagamitang de-kuryente at appliances na ginagamit araw-araw.

Ipinaliwanag ni Villahermosa na dahil sa dami ng electrical connections, appliances, at iba pang makinarya sa loob ng mall, may kaakibat itong panganib gaya ng posibleng short circuit, overheating, at iba pang posibleng pagmulan ng sunog.

--Ads--

Kaya naman mahalagang masanay ang mga empleyado at tenant sa tamang paraan ng pagresponde sakaling magkaroon ng insidente.

Bukod sa fire drill, nagsagawa rin ang mall ng earthquake drill upang matiyak na alam ng lahat ang wastong hakbang sa oras ng lindol, kabilang ang tamang paglikas at pagsunod sa itinalagang evacuation areas.

Dinaluhan ang aktibidad ng mga kinatawan mula sa Cauayan City Disaster Risk Reduction and Management Office, Bureau of Fire Protection Cauayan, Philippine National Police, at SWAT team ng lungsod, na tumulong sa pagsasanay at pag-obserba sa isinagawang drill.

Layunin ng aktibidad na higit pang palakasin ang koordinasyon ng mall management at mga ahensya ng pamahalaan upang masiguro ang kaligtasan ng publiko sakaling magkaroon ng tunay na emergency.