Nakatakdang magsampa ng reklamo ang Department of the Interior and Local Government (DILG) laban kay Bureau of Fire Protection (BFP) Chief Fire Director Jesus Fernandez dahil sa umano’y grave misconduct, graft, at corruption.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, ihahain ang kaso sa Huwebes, Marso 5, upang opisyal na imbestigahan ang nasabing opisyal.
Ayon kay Remulla, malinaw ang umano’y paglabag ni Fernandez sa tungkulin, at nakatuon ang reklamo sa alegasyon ng pagnanakaw ng daan-daang milyong piso mula sa kaban ng bayan, na umano’y direktang napunta sa kanyang bulsa at sa istruktura ng BFP.
Ihahayag ng DILG ang mga ebidensiya at batayan kung paano naganap ang nasabing katiwalian.
Bukod kay Fernandez, nakatakda ring magsampa ng kaso laban sa 50 iba pang indibidwal na diumano’y sangkot sa bid-rigging sa BFP mula 2021 hanggang 2025. Kabilang dito ang mga inspector na umano’y nagbenta ng fire extinguishers sa mapanlinlang na paraan at nangharas sa mga negosyo sa bansa upang kumita. Layunin ng DILG na tiyakin na ang lahat ng sangkot sa katiwalian ay managot sa batas.
Nauna nang sinabi ni Remulla na malawakan at seryoso ang katiwalian sa BFP, at tinuturing niyang “cancerous” ang sitwasyon sa loob ng ahensya. Binigyang-diin niya na mahalaga ang agarang aksyon upang maibalik ang tiwala ng publiko sa BFP at masiguro ang integridad ng institusyon.











