--Ads--

Iginiit ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo na hindi humingi si Leyte Representative Ferdinand Martin Romualdez ng listahan ng mga infrastructure project kapalit ng commitment fee o kickback.

Inihayag ito ni Bernardo, na nagsisilbing state witness, sa pagdinig sa petisyon para sa piyansa ni Romualdez kaugnay ng kasong plunder na nagkakahalaga ng P7.4 bilyon.

Sa cross-examination ng abogado ni Romualdez, kinumpirma ni Bernardo na wala sa kaniyang anim na affidavit at dalawang judicial affidavit ang nagsasaad na humingi ang dating House Speaker ng mga proyekto o kickback. Wala rin umano siyang alam na anumang commitment o kickback na naihatid kay Romualdez.

Paliwanag ni Bernardo, nabanggit lamang niya si Romualdez sa kaniyang mga salaysay dahil nakita niya ito sa birthday celebration ni dating DPWH Secretary Mark Villar noong Setyembre 2016.

--Ads--

Inamin din ni Bernardo na nakatanggap siya ng isang porsiyentong bahagi sa ilang transaksiyong may kaugnayan sa dating DPWH Bulacan First District Engineering Office District Engineer Henry Alcantara at kay dating kongresistang si Zaldy Co.

Gayunman, sinabi ni Bernardo na wala siyang personal na kaalaman sa mga transaksiyon nina Alcantara at Co. Ang nalalaman lamang umano niya ay ang sinabi ni Alcantara na may mga inihahatid itong pera kay Co.

Samantala, ipinaliwanag ni Bernardo na hindi lamang ang pagtalikod sa kaniya ng ilang dating tumulong sa kaniya ang dahilan ng kaniyang paglalantad sa umano’y katiwalian sa flood control projects. Aniya, hindi na niya kayang sarilinin ang nalaman niyang mga ghost project at nais niyang matigil ang naturang gawain.