--Ads--

Naghain ng ethics complaint sa House Committee on Ethics and Privileges ang iba’t ibang grupo ng kababaihan laban kay Quezon City Rep. Bong Suntay, sa pangunguna ng Gabriela Women’s Party.

Nag-ugat ang reklamo sa kontrobersyal na “desire and imagination” analogy ni Suntay kaugnay sa aktres na si Anne Curtis habang tinatalakay ng House Committee on Justice ang impeachment complaint laban kay Sara Duterte.

Ayon kay dating Gabriela Representative Liza Maza, na kasalukuyang pangulo ng Koalisyong Makabayan, pag-aaralan ng kanilang mga abogado ang iba pang maaaring legal na hakbang laban kay Suntay.

Tiniyak din ni Maza na handa silang suportahan ang anumang magiging desisyon o aksyon ni Curtis.

--Ads--

Nagpahayag naman ng matinding pagkondena sa pahayag ni Suntay si Fran Reyes, spokesperson ng Gabriela Youth.

Hindi rin kumbinsido ang women’s rights advocates na sinsero ang paghingi ni Suntay ng paumanhin kay Curtis dahil idinepensa at hindi naman nito binawi ang kanyang mga pahayag.

Bukod kina Maza at Reyes ay kabilang din sa mga naghain ng ethics complaint laban kay Suntay sina GABRIELA National Alliance National Chairperson Gert Libang, at Kilusan ng Manggagawang Kababaihan Spokesperson Jacq Ruiz at sinamahan sila ni Gabriela Rep. Sarah Jane Elago.