Naging usap-usapan at trending kagabi si Anne Curtis matapos itong makasama sa mga nominado para sa Outstanding Asian Star sa Seoul Drama Awards 2026.
Ang nominasyon ay para sa kanyang pagganap bilang Mia Hernandez sa Pinoy adaptation ng It’s Okay To Not Be Okay.
Agad namang nagpahayag ng saya ang aktres sa kanyang social media kung saan sinabi niyang labis siyang kinilig. Dagdag pa niya, alam niyang wala siyang laban sa voting power ng Korean star na si Jisoo subalit lubos pa rin ang kanyang pasasalamat na mapasama sa mga nominado.
Bukod kay Anne, pasok din sa listahan ng mga nominado mula sa Pilipinas sina Dingdong Dantes, Paulo Avelino, Kim Chiu, at Joshua Garcia.
Makakatunggali nila sa botohan ang mga bigating Asian stars tulad nina Jisoo, Doh Kyung-soo, Dilraba Dilmurat, Kazuya Kamenashi, at Win Metawin. Bukas ang botohan hanggang Hulyo 14, bagamat kapansin-pansing may iba’t ibang bersyon ng kumakalat na listahan ng mga nominado.
Ang Outstanding Asian Star Award ay kumikilala sa mga aktor na nag-iwan ng malaking marka sa telebisyon nitong nakaraang taon sa anim na kalahok na bansa na kinabibilangan ng Korea, China, Japan, Singapore, Thailand, at Pilipinas.









