Binatikos ng grupo ng pampublikong transportasyon ang mabagal na pag-aksyon ng Administrasyong Marcos sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Modesto “Mody” Floranda, Chairman ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON), sinabi niya na sa susunod na linggo ay inaasahan ang P5 – P10 na pagtaas sa presyo ng langis, dulot ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East.
Aniya, sa pagpasok pa lamang ng taon ay tuloy-tuloy na ang oil price hike kada linggo, na malaki ang epekto sa mga mamamayan, lalo na sa sektor ng transportasyon. Maraming tsuper at operator ang halos wala nang naiuwi sa kanilang kita dahil napupunta na lamang sa mahal na presyo ng petrolyo.
Binatikos din ni Floranda ang mabagal na aksyon ng administrasyon, na ngayon lamang nagmungkahing makikipagpulong sa dalawang kapulungan ng kongreso para pag-usapan ang pagbaba ng excise tax sa langis.
Matagal na aniya nilang ipinapanawagan, maging sa mga nakaraang administrasyon, ang pagtanggal o pagbawas ng excise tax dahil sa malaking pasanin nito sa transport sector at sa ordinaryong mamamayan.
Dahil sa inaasahang tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado, nanawagan si Floranda na agad suspendehin ang excise tax upang mabawasan ang epekto sa mga pasahero, tsuper, operator, at sa kabuhayan ng mga pamilyang umaasa sa transportasyon.









