--Ads--

Umaasa ang mga grupong lumahok sa mga kilos-protesta kahapon, Nobyembre 16, na magkakaroon ng positibong resulta ang kanilang pagkilos at mapipigilan ang pagpapatuloy ng planong pagtatayo ng Pax Silica hub sa New Clark City, Capas, Tarlac.

Kabilang sa mga tumutol sa proyekto ang transport group na PISTON na nagpahayag ng pangamba sa posibleng epekto nito sa kalikasan, kabuhayan ng mga mamamayan at iba pang sektor.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Modesto “Mody” Floranda, national president ng PISTON, sinabi niyang hindi lamang iisang sektor ang posibleng maapektuhan ng proyekto kundi maging ang mga mamamayang nakatira malapit o malayo sa itatayong pasilidad.

Ayon sa kaniya, kabilang sa kanilang mga ikinababahala ang posibleng paglala ng problema sa trapiko at mga panganib sa kapaligiran na matagal nang binibigyang-diin ng mga grupong pangkalikasan.

--Ads--

Batay sa mga naunang ulat, nakatakdang saklawin ng Pax Silica project ang humigit-kumulang 1,620 ektarya sa New Clark City. Inilalarawan ito ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) bilang isang industrial at technology hub na nakatuon sa semiconductor manufacturing, advanced manufacturing at pagproseso ng mga kritikal na mineral, sa halip na isang malawakang data center lamang.

Samantala, iginiit din ng PISTON ang panawagang buwagin ang Oil Deregulation Law at higpitan ang pagbabantay sa mga kumpanya ng langis.

Partikular na tinututulan ng grupo ang umano’y hindi patas na pagpapatupad ng pagbabago sa presyo ng produktong petrolyo, kung saan maliit lamang ang ibinabawas tuwing may rollback kumpara sa agarang pagtataas ng presyo kapag may oil price hike.

Umaasa ang grupo na maririnig ng pamahalaan ang kanilang mga hinaing at maisasaalang-alang ang kapakanan ng mga mamamayan bago ituloy ang mga proyektong maaaring magkaroon ng malawakang epekto sa bansa.