--Ads--

Tiniyak ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela na nakatutok na sa sitwasyon ng mga taniman ng mais dahil sa mainit na panahon ngayong summer season.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Rodito Albano III, sinabi niya na nakipag-ugnayan na siya kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. para sa posibleng cloud seeding upang mapanatili ang suplay ng ulan.

Kasabay nito, isinasaalang-alang ng pamahalaan ang kapakanan ng mga rice farmers, na maaaring maapektuhan kung magkakaroon ng biglaang pag-ulan matapos ang tagtuyot.

Dahil dito, pinapalista muna ng panlalawigang pamahalaan ang mga apektadong magsasaka upang mabigyan sila ng binhi at fertilizer mula sa Department of Agriculture at Provincial Government, bilang tulong para makabawi sa epekto ng nasirang pananim.

--Ads--

Ayon kay Gov. Albano, una nang nakapag-ulat ng pinsala sa pananim ang Mayor ng Sto. Tomas, Isabela, kung saan maraming tanim na mais ang hindi na maganda ang bunga, may ilang tuyot, at may ilan ding nalanta na.

Binanggit din niya na ang pinsala ay partikular sa mga lowland areas na walang sapat na irigasyon, habang ang mga upland farms ay bahagyang nakaiwas sa malalang epekto ng init.

Hinikayat ng gobernador ang mga Municipal Agriculture Offices (MAO) na ireport ang mga naitalang pinsala sa kanilang nasasakupan upang maisama sa listahan ng mga makatatanggap ng assistance.

Tiniyak ni Gov. Albano na patuloy na babantayan ng pamahalaan ang sitwasyon at makikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at DA upang matulungan ang mga magsasaka at maiwasan ang mas malalang pinsala sa susunod na linggo ng summer season.