Maraming nagtatanong kung bakit patuloy na tumataas ang presyo ng petrolyo kahit may natitirang lumang stock sa mga gasolinahan.
Ang dahilan, nakabase ang presyo ng fuel sa Pilipinas sa pandaigdigang merkado at hindi sa lokal na stock. Ginagamit ang benchmark na Mean of Platts Singapore (MOPS), na nagpapakita ng araw-araw na trading price ng fuel sa Asia.
Ina-adjust ng mga lokal na kumpanya ng langis ang presyo sa mga pump batay sa lingguhang average ng global prices. Kaya kahit may natitirang stock ng gasolina sa tangke, maaaring mas mataas na ang presyo ng susunod na shipment. Upang hindi malugi, ina-adjust na ng kumpanya ang presyo nang maaga.
Simula nang ipatupad ang Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998 (RA 8479), hindi na kontrol ng gobyerno ang presyo ng petrolyo.
Sa halip, ang mga kumpanya ng langis mismo ang nagtatakda ng presyo, na naaapektuhan ng global crude oil prices, foreign exchange rate ng piso laban sa dolyar, at gastusin sa shipping at refining. Ang gobyerno, sa pamamagitan ng Department of Energy (DOE), ay nagmomonitor lamang at tinitiyak ang patas na kompetisyon.
Kadalasan, ang mga pagbabago sa presyo ay ipinatutupad tuwing Martes. Nag-aanunsyo ng adjustment ang mga kumpanya tuwing Lunes batay sa nakaraang linggo na average ng global prices, at sinusundan ito ng iba pang kumpanya upang manatiling competitive.
Ang mga pangunahing kumpanya tulad ng Petron Corporation, Pilipinas Shell Petroleum Corporation, at Chevron Philippines (Caltex) ay karaniwang sabay-sabay nag-aadjust ng presyo.
Kahit may lumang stock pa ang gasolinahan, tumataas pa rin ang presyo dahil patuloy ang deliveries at halo-halo ang batches sa mga tangke. Sinusunod din ng mga retailers ang presyo na itinakda ng kanilang supplier.
Kaya ang presyo sa pump ay nagpapakita ng kasalukuyang replacement cost, at hindi lamang ang lumang stock. Halimbawa, kung binili ng isang gasolinahan ang fuel sa halagang ₱55 kada litro at tumaas ang presyo sa global market, ang susunod na shipment ay maaaring ₱60 kada litro na. Kung ibebenta pa rin sa ₱55, malulugi na ang kumpanya, kaya kailangan nilang itaas ang presyo upang mapaghandaan ang mas mataas na replacement cost.
Walang iisang entity ang direktang kumokontrol sa presyo ng petrolyo. Ang presyo ay pangunahing apektado ng mga global oil traders, mga desisyon ng OPEC sa produksyon, exchange rate ng piso laban sa dolyar, at mga oil companies sa Pilipinas.
Dahil karamihan ng langis sa bansa ay iniimport, sensitibo ang Pilipinas sa mga pagbabago sa pandaigdigang merkado ng langis.
Source: Fuel Update











