Nagpaalala ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) Region 2 sa mga guro, paaralan, at mga magulang na gawing simple ang moving up ceremony o commencement exercises para sa pagtatapos ng Taong Panuruan 2025–2026.
Ayon kay Amir Aquino, Head ng Public Affairs Unit ng DepEd Region 2, kung may mga napagkakasunduan ang mga magulang, dapat itong talakayin nang maayos. Anumang halaga ay hindi dapat sapilitan at dapat manatiling boluntaryo.
Giit niya, dapat matiyak na ang mga gastusin na hindi kayang bayaran ay hindi magiging hadlang sa proseso ng pagkuha ng mga dokumentong kinakailangan ng mag-aaral.
Nilinaw din niya na sa lahat ng bayarin sa ilalim ng DepEd, hindi kasali ang toga. Anumang gastusin para sa commencement activity ay pinagpapasyahan ng Parents-Teachers Association (PTA), subalit dapat itong mapagdesisyunan kasama ang lahat ng mga magulang.
Matatandaan na ang “No Collection Policy.” ay pinagtitibay ng DepEd Memorandum No. 41, s. 2024, na muling nagpapaalala sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan na mahigpit na ipinagbabawal ang anumang sapilitang bayarin para sa graduation at moving-up ceremonies.











