--Ads--

Nagpalabas ng regional memorandum ang Department of Education (DepEd) Region 2 upang palakasin ang seguridad at kaligtasan sa lahat ng pampublikong paaralan sa rehiyon kasunod ng pamamaril sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong katao.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Benjamin Paragas, Regional Director ng DepEd Region 2, sinabi niyang inatasan ang lahat ng school heads na mahigpit na ipatupad ang mga security measures kabilang ang pagkontrol sa mga pasukan at labasan ng paaralan, mandatoryong pagpaparehistro ng mga bisita at pagsusumite ng valid ID bago makapasok sa campus.

Kabilang din sa mga ipinatutupad na hakbang ang paggamit ng visitor’s passes at visitor logs, gayundin ang pagsasagawa ng makatwiran at hindi nakakaabala sa klase na inspeksyon sa mga bag, backpack, parsela at iba pang gamit na dinadala sa loob ng paaralan upang maiwasan ang pagpasok ng mga ipinagbabawal na bagay.

Mahigpit ding ipinagbabawal sa loob ng paaralan ang pagdadala ng mga baril, patalim, eksplosibo, iligal na droga, vaping devices at iba pang mapanganib na kagamitan. Hinikayat naman ng DepEd ang mga local government unit (LGU) na magdagdag ng security personnel sa mga paaralang kulang sa guwardiya at makipagtulungan sa mga barangay tanod upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mga mag-aaral at guro.

--Ads--

Inatasan din ang mga paaralan na palakasin ang koordinasyon sa mga law enforcement agency, maglagay ng closed-circuit television (CCTV) cameras sa mga estratehikong lugar gaya ng entrance, exit at hallways, at magsagawa ng regular na inspeksyon sa school premises.

Kasama rin sa memorandum ang paghahanda ng contingency at emergency response plans, regular na emergency drills, at orientation para sa mga mag-aaral at kawani. Binigyang-diin din ang agarang pag-uulat ng anumang insidente sa Schools Division Superintendent at regional office upang matiyak ang mabilis na pagtugon ng mga kinauukulan.

Ayon kay Paragas, regular na susuriin ng DepEd ang pagsunod ng mga paaralan sa naturang memorandum sa pamamagitan ng periodic inspection at assessment ng mga umiiral na security measures. Hinikayat din niya ang lahat ng school personnel na maging mapagmatyag at observant sa kilos at galaw ng mga mag-aaral.

Sinabi pa niya na posibleng may impluwensya ang labis na exposure sa online content sa pag-uugali ng ilang kabataan kaya mahalagang palakasin ang psychosocial activities, values education at iba pang programang makatutulong sa paghubog ng tamang asal at pagpapahalaga ng mga mag-aaral.

Samantala, patuloy na gumagana ang Institutional Child Protection Council ng DepEd para tugunan ang mga kaso ng bullying at iba pang suliraning may kaugnayan sa kapakanan ng mga mag-aaral. Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa Philippine National Police, DPWH at iba pang katuwang na ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng mga paaralan at iba pang pasilidad ng departamento.