--Ads--

Nagsimula nang bumiyahe ang mga atleta at opisyal ng delegasyon ng Region 2 para sa nalalapit na Palarong Pambansa 2026 na gaganapin sa Agusan del Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Benjamin Paragas, Director ng DepEd Region 2, sinabi nito na apat na batches ang itinakdang biyahe ng kanilang delegasyon na binubuo ng mahigit 600 atleta, coaches, medical team at technical officials.

Ayon kay Dr. Paragas, ang unang batch ay bumiyahe noong May 15 habang ang ikalawang batch ay umalis ngayong May 16.

Aniya, susunod naman ang ikatlong batch na binubuo ng tatlong bus na magdadala sa mga atleta at coaches patungong NAIA bago sumakay ng flight papuntang Butuan City.

--Ads--

Sinabi rin niya na ang huling batch ay nakatakdang bumiyahe sa May 18.

Tiniyak naman ng opisyal na naging maayos at ligtas ang biyahe ng mga naunang batch ng delegasyon.

Dagdag pa niya, sapat din ang panahon ng mga atleta upang makapagpahinga at makaangkop sa klima at kapaligiran sa Agusan del Sur bago ang opening ceremony ng Palarong Pambansa sa May 24.

Ayon pa sa direktor, nakatalaga ang kanilang billeting quarters sa Del Monte Elementary School at Del Monte National High School sa Talacogon, Agusan del Sur.

Samantala, sinabi rin niya na may ilang magulang ng mga atleta ang personal na pupunta sa Agusan del Sur upang suportahan at i-cheer ang kanilang mga anak sa mga kompetisyon, bagamat hindi sila maaaring manatili sa billeting quarters na nakalaan lamang para sa mga atleta, coaches at opisyal.

Inihayag din ni Dr. Paragas na umabot sa mahigit ₱17 milyon ang budget na inilaan ng Department of Education Central Office para sa delegasyon ng Region 2, bagamat patuloy pa umano ang pag-aaral sa distribusyon ng pondo.

Nagpasalamat din siya sa suporta ng mga local government units, mga magulang at iba’t ibang sektor para sa delegasyon ng Region 2 at hiniling ang panalangin ng publiko para sa ligtas na biyahe at matagumpay na kampanya ng mga atleta sa Palarong Pambansa 2026.