--Ads--

Patuloy ang ginagawang paghahanda ng Department of Education (DepEd) Region 2 para sa nalalapit na pagbubukas ng klase ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng serye ng koordinasyon at pagpupulong kasama ang iba’t ibang stakeholders.

Matatandaang magsisimula ang klase ng mga mag-aaral sa Hunyo 8 kaya kinakailangang maihanda at maisaayos ang mga silid-aralan bago ang pagbabalik-eskwela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Ferdinand Narciso, Project Development Officer IV at Brigada Eskwela Focal Person ng DepEd Region 2, sinabi nito na nakapagsagawa na sila ng ilang preparatory meetings katuwang ang mga school officials, local government units, volunteers, at iba pang partner agencies upang matiyak ang maayos at ligtas na pagbubukas ng klase.

Ayon kay Narciso, nakatakdang isagawa ang Regional Simultaneous Kickoff ng Brigada Eskwela sa Hunyo 4, 2026 sa Diffun Central Integrated SPED Center sa lalawigan ng Quirino.

--Ads--

Aniya, mahuhuli nang bahagya ang regional kickoff kumpara sa National Kickoff na isasagawa sa Hunyo 1 sa Agusan del Sur na siya ring kasalukuyang host ng Palarong Pambansa 2026.

Ipinaliwanag ni Atty. Narciso na isinasagawa ng DepEd Central Office ang round robin selection sa pagpili ng mga rehiyong magsisilbing host ng Brigada Eskwela kickoff program. Matatandaang ang huling nag-host sa Region 2 ay ang Schools Division Office ng Cauayan City.

Sinabi rin niya na napili ang Diffun Central Integrated SPED Center bilang venue dahil nakita ng DepEd ang pangangailangan ng paaralan sa karagdagang upgrades, innovation, at pagpapabuti ng mga pasilidad upang mas maging angkop sa pangangailangan ng mga mag-aaral, lalo na ng mga batang may special education needs.

Dagdag pa ni Narciso, kabilang sa mga pangunahing aktibidad ng Brigada Eskwela ang paglilinis ng mga silid-aralan, pagkukumpuni ng mga sirang kagamitan at pasilidad, repainting activities, pagsasaayos ng school grounds, at paghahanda ng learning environment upang maging komportable at ligtas para sa mga estudyante at guro.

Bagama’t ipinagbabawal ang direktang panghihingi o solicitation ng pera, sinabi ni Narciso na bukas pa rin ang DepEd sa boluntaryong tulong o donasyon mula sa mga stakeholders, pribadong indibidwal, organisasyon, at local government units bilang suporta sa mga pangangailangan ng mga paaralan.

Pinasalamatan naman nito ang mga stakeholders, volunteers, at partners ng DepEd Region 2 na patuloy na tumutulong sa paghahanda para sa pagbubukas ng klase.

Kaugnay nito, nanawagan ang DepEd Region 2 sa publiko, mga magulang, pribadong sektor, at volunteers na makiisa sa Brigada Eskwela upang matiyak ang malinis, maayos, at ligtas na learning environment para sa mga estudyante sa pagbubukas ng klase.