Inaasahang madaragdagan pa ang pagkalugi ng mga drivers at operators dahil sa nakaambang malaking taas presyo sa produktong petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mody Floranda, Chairman ng PISTON, sinabi niya na dahil sa mga nakalipas na oil increase ay umabot na halos 5,000 pesos kada buwan ang nawawala sa kita ng mga namamasada, hindi pa kasali rito ang panibagong pagsirit ng presyo sa susunod na Linggo.
Sa ngayon ay wala pang umiiral na panibagong fare increase dahil ayon umano sa pamahalaan, tsaka lamang pag-uusapan ang pagtaas sa pamasahe kapag umabot na sa 80 pesos per barel ang presyo ng langis kaya nananatili pa rin sa 13 pesos ang minimum na pamasahe sa jeepney.
Binigyang-diin nito na karapatan ng mga nasa transport sector na manawagan sa taas pamasahe upang matiyak na hindi sila malugi at maging tuloy-tuloy ang kanilang serbisyo sa mamamayan.,
Sa kanilang panig, maghahain ng request para sa 2 pesos fare increase ang grupong PISTON sa LTFRB at DOTr sa Marso 16.
Maliban dito, patuloy pa rin ang panawagan ng grupo na suspendihin ang excise tax ng langis na makatutulong hindi lamang sa transport sektor kundi sa lahat ng mamayang Pilipino.










