Hinikayat ni Senador Francis “Chiz” Escudero ang mga pribadong kumpanya na isaalang-alang ang pagpapatupad ng four-day workweek bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, kasabay ng tensiyon sa Middle East.
Ayon kay Escudero, ang alternatibong iskedyul sa trabaho ay makatutulong sa pagbawas ng pang-araw-araw na pangangailangan sa transportasyon, pagpapababa ng operating cost, at pagbibigay ng dagdag na ginhawa sa mga manggagawa, lalo na sa gitna ng pabago-bagong presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
“Acting this early as we anticipate what could possibly happen would strengthen the country’s resilience should the situation worsen,” pahayag ni Escudero.
Binanggit ng senador na matagal nang ipinatutupad ng Kongreso ang four-day workweek para sa kanilang mga kawani at iminungkahi niya na gayahin ito ng mga pribadong kumpanya. Aniya, makatutulong ito sa pagtitipid sa gasolina, enerhiya, at makababawas sa trapiko, partikular sa mga lugar na nakakaranas ng mabigat na daloy ng sasakyan.
“These areas experience some of the heaviest daily traffic volumes, making them ideal starting points for mobility‑oriented workplace reforms,” dagdag niya.
Nauna nang inutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pansamantalang four-day workweek para sa ilang sangay ng ehekutibo simula Marso 9 bilang bahagi ng pagsisikap na makatipid sa enerhiya at makabawas sa paggamit ng gasolina. Nakasaad sa Memorandum Circular No. 114 ang direktibang nag-uutos sa mga ahensiya na bawasan ang konsumo ng kuryente at gasolina ng 10 hanggang 12 porsiyento, panatilihin ang air-conditioning sa 24°C, at i-suspend ang hindi kinakailangang paglalakbay at aktibidad.









