Inaprubahan ng Senado bilang Impeachment Court ang kahilingan ng House prosecution panel na magpalabas ng subpoena para sa bank records, AMLC records at tax records ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.
Sa ikapitong araw ng impeachment trial, sinabi ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Senator-Judge Francis “Chiz” Escudero na natugunan ng mga hinihinging dokumento ang mga rekisito ng korte at may kaugnayan sa mga alegasyong nakapaloob sa Article II ng Articles of Impeachment.
Ibinasura rin ng korte ang pagtutol ng depensa sa pagsaklaw ng mga rekord mula 2007 hanggang 2021, kaya kabilang sa maaaring isumite ang mga dokumentong bago pa mahalal si Duterte bilang Bise Presidente noong 2022.
Nilinaw naman ng impeachment court na ang mga rekord ay gagamitin lamang bilang batayan sa pagsusuri ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman at hindi upang magdagdag ng panibagong impeachable offense laban sa Bise Presidente.
Pinayagan din ng korte ang pagpapalabas ng subpoena para sa AMLC records nina Duterte, Carpio at 19 na kumpanyang may ipinakitang kaugnayan sa kanila, habang hindi isinama ang dalawang korporasyon dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensya ng koneksyon sa mag-asawa.
Ayon pa sa korte, hindi maaaring gamitin ang confidentiality provisions ng Anti-Money Laundering Act upang hadlangan ang kapangyarihan ng Senado bilang Impeachment Court na humingi ng mga naturang rekord, dahil pinahihintulutan ito ng batas at ng mga umiiral na desisyon ng Korte Suprema.











