Nananatiling tahimik at mapayapa ang bayan ng Mallig, Isabela, ayon sa Philippine National Police.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Edward Curameng, Deputy Chief of Police ng Mallig Police Station, sinabi nito na madalang lamang may maitalang krimen sa kanilang nasasakupan maliban na lamang sa mangilan-ngilang vehicular accidents.
Aniya, sa nakalipas na mga buwan ay mayroong lima na naitalang aksidente sa daan sa kanilang nasasakupan lalo na at mahaba rin ang stretch ng national highway sa kanilang bayan.
Patuloy naman ang kanilang paniniket sa mga lumalabag sa batas-trapiko, maging ang pakikipag-ugnayan sa komunidad sa pamamagitan ng “Hepe sa Barangay” program kung saan sila ay bumibisita sa mga barangay upang mapaalalahanan ang mga residente at mga motorista pagdating sa pagbaybay sa kakalsadahan.
Maliban dito ay tuloy-tuloy rin ang kanilang kampanya kontral ilegal na droga. Kamakailan lamang ay ginawaran ng Balangay Seal of Excellence ang Mallig PNP—isang pagkilala mula sa PDEA dahil sa maigting na pagsugpo sa ilegal na kalakalan ng droga sa kanilang nasasakupan.
Samantala, dahil sa nakatakdang malakihang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo, ay tinututukan din nila ang sampung gasolinahan sa bayan ng Mallig upang mapanatili ang kaayusan lalo na at marami nang motorista ang nagpapa-gas ng maaga.
Bagama’t maging ang mga kapulisan ay apektado sa pagtaas ng presyo ng gasolina, subalit mayroon naman aniyang nakalaang pondo mula sa PNP at Local Government Unit ng Mallig para sa kanilang emergency response.











