--Ads--

Labis ang tuwa at emosyon ni Alyanna Villegas matapos niyang malaman na siya ang Rank 1 sa Philippine Nurse Licensure Examination (PNLE) 2026, bunga ng kanyang matinding paghahanda at sakripisyo sa kabila ng maikling panahon ng review.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Villegas, ibinahagi niyang mula pa lamang sa simula ay malinaw na sa kanya ang layunin—hindi lamang makapasa sa board exam, kundi mapabilang sa mga topnotcher at maipakita ang kahusayan sa larangan ng nursing. Para sa kanya, ang pagsusulit ay hindi lang sukatan ng kaalaman, kundi paghahanda rin sa mas malaking responsibilidad na pangalagaan ang buhay ng mga pasyente sa hinaharap.

Hindi naging madali ang kanyang naging paglalakbay. Ayon kay Villegas, halos 50 araw lamang o mas mababa sa dalawang buwan ang kanilang naging review period matapos ilipat ang schedule ng pagsusulit mula Pebrero, kasunod ng kanilang graduation noong Enero. Dahil dito, kinailangan niyang pag-ibayuhin ang disiplina at pagsisikap upang makasabay sa hamon ng paghahanda.

Sa kasagsagan ng review season, umaabot lamang sa apat na oras ang kanyang tulog kada araw. Mula 7:30 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon ay nasa review center siya, at pagsapit ng gabi ay muli siyang nag-aaral kasama ang kanyang mga kaibigan mula 9:00 ng gabi hanggang 2:00 o 3:00 ng madaling araw. Upang masanay sa format ng pagsusulit, araw-araw din siyang nagsasagot ng 200 na tanong, kadalasang ginagawa sa gabi upang maihanda ang sarili sa aktwal na exam.

--Ads--

Sa kabila ng kanyang determinasyon, aminado si Villegas na dumaan din siya sa mga sandali ng pagdududa sa sarili, lalo na noong mga panahong hindi niya nakukuha ang inaasahang resulta sa ilang pagsusulit noong siya ay nasa kolehiyo pa. Gayunman, hindi siya nagpatalo sa pangamba at sa halip ay ginamit ito bilang inspirasyon upang lalo pang pagbutihin ang kanyang paghahanda.

Sa huli, ang lahat ng sakripisyo at pagsisikap ay nagbunga ng tagumpay nang tanghalin siyang topnotcher ng PNLE 2026.

Sa kabila ng mga oportunidad na maaaring magbukas sa kanya, plano ni Villegas na maglingkod muna bilang nurse sa Pilipinas bago isaalang-alang ang pagtatrabaho sa ibang bansa. Para sa kanya, ang tunay na tagumpay ay hindi lamang nasusukat sa mataas na marka, kundi sa dedikasyon, disiplina, at sa matibay na paninindigang maglingkod sa kapwa sa kabila ng anumang hamon.