Pagbabalanse sa pagre-review at sapat na pahinga ang ilan sa mga naging susi ni Princess Reign Tabayag ng Brgy. Mapalad, San Agustin, Isabela upang mapabilang sa mga topnotchers ng August 2026 Philippine Nurses Licensure Examination (PNLE).
Nagtala siya ng 90.80% rating at nakuha ang ika-8 puwesto sa buong bansa. Siya rin ang kauna-unahang nursing graduate ng Isabela State University Main Campus na nakapasok sa Top 10 ng PNLE.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Princess Reign na bukod sa pagbabasa ng review materials at pagsagot sa mga practice questions, binigyang-halaga rin niya ang sapat na pahinga upang manatiling malinaw ang kanyang pag-iisip habang naghahanda para sa board exam.
Ayon sa kanya, nakatulong din ang pagsusulat ng mga tanong at sagot upang mas madaling maunawaan at matandaan ang mga mahahalagang aralin.
Malaki rin aniyang naging papel sa kanyang tagumpay ang suporta ng kanyang lola na si Angelina Raquel Tabayag, na palaging nagpapaalala sa kanya na manalangin at magtiwala sa sarili.
Samantala, inamin ni Princess Reign na hindi naging madali ang mismong araw ng pagsusulit dahil kulang siya sa pahinga bago ito isinagawa. Aniya, nakaranas siya ng pressure at frustration habang sumasagot, dahilan upang mapagtanto niyang mahalagang bahagi rin ng paghahanda ang sapat na pahinga.
Bagama’t hindi niya inaasahang mapapasama sa Top 10, sinabi niyang naging kumpiyansa siyang makapapasa dahil sa oras at pagsisikap na inilaan niya sa pagre-review.
Bilang payo sa mga susunod na kukuha ng licensure examination, hinikayat niya ang mga ito na maging disiplinado sa pag-aaral, kilalanin ang kanilang mga kakayahan at limitasyon, at matutong balansehin ang pagre-review, pahinga at personal na kapakanan.
Nagpasalamat din siya sa kanyang pamilya sa patuloy na suporta, panalangin at paghikayat na magtiwala sa Diyos sa bawat hakbang ng kanyang paglalakbay.











