--Ads--

Hindi pa rin makapaniwala si Engr. Aishera Japhrodite Pedres Pis-Ing matapos mapasama sa Top 10 ng May 2026 Chemical Engineers Licensure Examination kung saan nasungkit nito ang Rank 9.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Pis-Ing, sinabi niya na una niyang nalaman ang kanyang tagumpay matapos siyang makatanggap ng sunod-sunod na pagbati mula sa kanyang paaralan at mga kakilala.

Ayon sa kanya, lalo siyang nabigla nang makita mismo sa opisyal na website ang kanyang pangalan sa talaan ng topnotchers.

Kwento pa nito, naging emosyonal silang magkakasama sa boarding house matapos nilang malaman na pumasa silang lahat sa pagsusulit habang isa pa sa kanyang mga kaklase ang nakapasok din bilang topnotcher.

--Ads--

Aminado rin si Engr. Pis-Ing na hindi nila inasahan ang hirap ng pagsusulit ngayong taon dahil malayo umano ito sa mga nakasanayan nilang review trends at klase ng mga tanong.

Dahil dito, sinabi niyang ipinagkatiwala na lamang niya sa Panginoon ang magiging resulta ng pagsusulit at naging masaya na siya sa posibilidad na makapasa.

Ibinahagi rin niya na halos isang taon ang naging preparasyon niya para sa board exam kabilang na ang self-review, refresher courses, practice exams at masusing pag-aaral sa mahigit 20 subjects na sakop ng Chemical Engineering licensure examination.

Ayon pa sa kanya, malaking bagay din ang matibay na pundasyon mula sa kanyang pag-aaral noong kolehiyo upang makayanan ang naturang pagsusulit.

Nagpasalamat naman siya sa kanyang pamilya, mga kaibigan, nobyo at higit sa lahat sa Diyos dahil sa walang sawang suporta at panalangin na naging inspirasyon niya upang makamit ang tagumpay.