Nasugatan ang isang lola matapos mabundol ng isang tricycle sa barangay District 2, Cauayan City, Isabela.
Sangkot sa aksidente ang isang pulang tricycle na minamaneho ni alyas “Kute,” 18-anyos, estudyante, at resiente ng San Fermin, Cauayan City, Isabela. Ang biktima naman ay itinago sa alyas na “Josi,” 76-anyos, at residente ng Duminit, Cauayan City.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, binabagtas ng tricycle ang southbound lane at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay kumabig ito pa-kanan patungo sa Quezon St. Kung saan hindi nito napansin ang lola na tumatawid sa daan dahilan upang mabangga niya ito.
Nagtamo ang lola ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan. Agad namang dinala ng nakabanggang tsuper ang biktima sa pagamutan.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.











