--Ads--

Mas ramdam na ngayon ng mga magsasaka ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel lalo na ngayong panahon ng tag-init kung kailan mas kailangan ang madalas na pagapapatubig ng pananim.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Lolita Bayubay, magsasaka, sinabi nito na malaking hamon sa kanila ang labis na pagtaas ng presyo ng diesel na ginagamit sa mga makinarya sa bukid gaya na lamang ng water pump.

Aniya, dahil sa kawalan ng ulan tuwing tag-init ay mas napapadalas ang kanilang pagpapatubig gamit ang makinarya upang hindi malanta ang kanilang pananim.

Malaking kalugian aniya para sa mga kagaya niyang magsasaka ang oil price hike dahil nadaragdagan ang kanilang gastusin sa produksyon.

--Ads--

Ayon kay Bayubay, may mga pagkakataon na nililimitahan nito ang paggamit ng water pump upang makatipid sa krudo subalit makaaapekto aniya ito sa paglaki ng kanilang pananim lalo na tuwing kasagsagan ng tag-init.

Dahil dito ay nananawagan sila sa Department of Agriculture na mabigyan sila ng karagdagang tulong o subsidiya upang makatulong sa gastusin sa pagpapatubig ng mga sakahan.

Umaasa naman ang mga magsasaka na mabibigyan sila ng agarang tulong upang mapanatili ang kanilang produksyon at hindi tuluyang maapektuhan ang kanilang kabuhayan ngayong panahon ng tag-init.