--Ads--

Inireklamo ng ilang residente sa Ipa-Bombo Mo Segment ng Bombo Radyo Cauayan ang isang talipapa sa Brgy. Turayong, Cauayan City dahil sa umano’y masangsang na amoy na nanggagaling dito na pinaniniwalaang may epekto na sa kanilang kalusugan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Grace Daguro-Suguitan, isa sa mga residenteng nagrereklamo, sinabi niya na matagal na umanong problema sa kanilang lugar ang mabahong amoy na nagmumula sa naturang talipapa. Aniya, nakaapekto na umano ito sa kanilang kalusugan kung saan ilan sa kanilang nararanasan ay pagduduwal at pananakit ng ulo.

Ipinaliwanag ni Suguitan na ang mga pinagbabaran umano ng seafoods at nakalagay sa mga styrofoam ay basta na lamang itinatapon sa kanal. Dahil dito, nagkakaroon umano ng masangsang na amoy lalo na sa bahagi kung saan bukas ang kanal malapit sa kanilang mga bahay.

Aniya, maaaring hindi na naamoy ng mismong may-ari ng tindahan ang naturang amoy dahil sarado ang kanal sa kanilang bahagi, ngunit sa lugar ng mga residente kung saan bukas ang daluyan ay doon na ito naaamoy ng mga residente.

--Ads--

Dahil dito, nanawagan si Suguitan na sana ay huwag nang itapon sa kanal ang mga nasabing basura at humanap na lamang ng maayos na paraan ng pagtatapon.

Samantala, ayon naman kay Rose Lucas, may-ari ng tindahan na inirereklamo, agad siyang nakipag-ugnayan sa kapitan ng barangay upang makapagpagawa ng kanal na maaaring maging tamang tapunan ng mga basura.

Aniya, nagpunta na rin umano sa lugar ang mga kinatawan ng Sanidad at CENRO upang magsagawa ng inspeksyon, ngunit wala naman umano silang naamoy na masangsang na amoy sa naturang lugar.

Nakiusap din umano siya sa mga residente na maghintay na lamang dahil nakatakda pa sa buwan ng Abril ang konstruksyon ng kanal. Dagdag pa niya, handa siyang gumastos upang maisagawa ang proyekto at tuluyang matigil ang reklamo.

Gayunman, sinabi ni Lucas na sa tingin niya ay hindi ang masangsang na amoy ang tunay na dahilan ng reklamo, kundi dahil sa hindi niya pagpapautang sa nagrereklamong residente, lalo na’t ilang beses na umano itong humiram sa kanya.

Sa panig naman ng barangay, sinabi ng mga opisyal na agad nila itong inaksyunan matapos matanggap ang reklamo. Sa kasalukuyan, ayon sa barangay, wala na umanong naitatalang panibagong reklamo mula sa mga residente kaugnay ng nasabing isyu.

Tiniyak din ng Sanidad na muling magsasagawa ng monitoring sa lugar upang mapanatili ang malinis na kapaligiran at maiwasan na ang mga kahalintulad na reklamo.