--Ads--

Inilatag ng Liga ng mga Barangay sa Cauayan City ang mga naging aktibidad, programa at accomplishment nito ngayong 2026 na nakatuon sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga opisyal ng barangay at pagpapahusay ng paghahatid ng serbisyo sa mga mamamayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Liga ng mga Barangay President Victor Dy Jr., kabilang sa mga pangunahing aktibidad ang pagsasagawa ng mga General Assembly, seminar at pagsasanay para sa mga punong barangay, barangay secretary at barangay treasurer hinggil sa maayos na pamamahala, financial management at pagpapatupad ng mga programa.

Kabilang din sa mga aktibidad ang pagdalo ng mga opisyal sa 2026 National Congress of the Liga ng mga Barangay sa Pilipinas sa Metro Manila at oryentasyon hinggil sa Sustainable Livelihood Program.

Samantala, kinilala ang ilang barangay at kawani dahil sa kanilang mahusay na paglilingkod. Kabilang dito ang 13 barangay na potential awardees para sa Seal of Good Local Governance for Barangays (SGLGB), limang barangay na kinilala sa Most Efficient Barangay in Revenue Collection Program at dalawang barangay na napabilang sa Best Barangay Tanod sa Team Category.

--Ads--

Sa larangan ng agrikultura, nakatanggap naman ng Regional Award sa Gawad Saka ang Barangay Nungnungan 2 bilang Outstanding Urban and Peri-Urban Agriculture Garden sa Microgarden Category.

Kabilang din sa mga naipatupad na programa ang pamamahagi ng rice assistance mula sa Office of the President at financial assistance na tig-₱200,000 para sa bawat isa sa 65 barangay sa ilalim ng Bawat Barangay Makikinabang Program.

Bukod dito, nagsagawa rin ng mga pagsasanay hinggil sa Gender and Development Planning and Budgeting, paghahanda ng Barangay Annual Budget para sa 2027 at mga pamantayan para sa Seal of Good Local Governance for Barangays.

Ayon kay Dy, layunin ng mga programang ito na mapalawak ang kaalaman ng mga opisyal ng barangay, mapalakas ang kanilang koordinasyon at higit na mapabuti ang paghahatid ng mga serbisyo sa 65 barangay ng Cauayan City.